Gobyerno, kinukwestiyon sa pagbili ng bakunang kulang ang efficacy rate
Hinimok ni Senator Franklin Drilon si Vaccine Czar Carlito Galvez na bumili nang mas epektibong bakuna laban sa COVID 19 at huwag makuntento sa bakuna mula sa China na Sinovac.
Nababahala si Drilon sa mga lumabas na report na maraming nagpositibo sa COVID 19 lalo na sa Indonesia kahit nabakunahan na ng sinovac.
Iginiit ng Senador na walang price tag ang bakuna kapag buhay ng mga Filipino ang nakasalalay.
Kuwestiyon ng mambabatas bakit puro Sinovac ang binibili ng gobyerno gayong may pondo naman para sa bakuna bukod pa sa 50 percent lang ang efficacy rate nito.
Wala raw siyang narinig na sinumang doktor o miyembro ng medical profession na na nagrekomenda ng Sinovac sa halip na Pfizer, Moderna o AstraZeneca.
Bakit tila ang Sinovac na lamang aniya ang naging choice ng gobyerno samantalang mas marami nang branded na bakuna ang available ngayon.
Naiintindihan niya raw na Sinovac ang unang naging available na bakuna noong hindi pa umusad ang negosasyon sa Pfizer pero ngayon ay mas maluwag na ang access ng gobyerno kaya nakapagtatakang sinovac pa rin ang binibili ng pamahalaan.
Bakit aniya pumipili ang gobyerno ng bakuna na mas mahal pero mas mababa ang efficacy rate kumpara sa mas mura pero epektibo tulad ng Pfizer.
Meanne Corvera