Gobyerno ng Indonesia, walang kondisyon sa pagpapauwi kay Mary Jane Veloso
Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na walang itinakdang kondisyon ang pamahalaan ng Indonesia sa pagbibigay ng kustodiya sa Pilipinas kay Mary Jane Veloso.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, walang kapalit ang pagpapauwi kay Veloso sa Pilipinas.
Photo courtesy: PCO
Ibig sabihin aniya ay ipinapaubaya na ng Indonesia sa Pilipinas kung saan ito ikukulong at kung pababain ang sentensya o kung gagawaran ito ng pardon o executive clemency.
Sinabi ni Clavano, na isinasapinal pa kung saan ididitene si Veloso na isa ring testigo sa human trafficking case sa oras na makabalik ito sa bansa.
Umaasa ang opisyal na bago ang December 25 ay makauwi na sa bansa si Veloso.
Ayon kay Clavano, “So binigay lang ho si Mary Jane Veloso sa atin and it is up to us to decide on whether or not there should be other steps taken. So dati po ang akalain natin yung legal custody sa Indonesia, physical custody lang sa atin, but it seems right now both legal and physical custody are now with the Philippines. In terms of what facilitiy she will be staying at, pinag-uusapan pa, wala pa pong final. But we are also very aware na yung mga kinasuhan niya for qualified human trafiicking and illegal recruitment are in the facilities that she may be in also. So, we will make sure na hindi nya kasama ang mga respondents sa kaso kung saan testigo sya.”
Moira Encina-Cruz