Gobyerno ng Pilipinas naglaan ng P74.4 billion sa 2023 para sa Bangsamoro, batas para sa BARMM elections sa 2025, isinusulong
Naglaan ang gobyerno ng Pilipinas ng P74.4 bilyon sa Bangsamoro Region para sa susunod na taon at isinusulong ang mahalagang batas para sa halalan sa rehiyon sa 2025.
Sa kaniyang talumpati sa inagurasyon ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), ay hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang pagpasa ng mahahalagang batas sa pagbubuwis at patakaran sa pananalapi sa rehiyon.
Tiniyak ng Pangulo sa mga pinuno ng Bangsamoro ang pangako ng kanyang pamahalaan na ituloy ang proseso ng kapayapaan sa rehiyon.
Sinabi niya na ang inagurasyon ng BTA at ang iba pang mga tagumpay na nakamit sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay kahanga-hanga na, ngunit hindi sapat dahil mayroon pa ring kailangang gawin upang “isa-pormal ang istruktura” ng gobyerno ng Bangsamoro. Aniya, kailangan pang ma-institutionalize ang mga tungkulin ng Bangsamoro government.
Sa seremonya, ay hinarap ng Pangulo ang Chief Minister ng BTA na si Chief Minister Ahod Ebrahim; BTA Parliament Speaker na si Speaker Balindong; Wali Sheikh Khalifa Nando; Supreme Court Associate Justice Japar Dimaampao, at Chairman ng Moro National Liberation Front na si Nur Misuari.
Ang inagurasyon ng BTA noong Seytembre 15, 2022, ay nagsilbi ring “opening ng sesyon ng Bangsamoro Transition Authority Parliament.”
Binanggit ng Pangulo ang mga naging pakinabang na, at una rito ay nang maaprubahan ang Bangsamoro Transition Plan, ang pagkakapasa ng mahahalagang mga batas gaya ng Administrative Code, Civil Service Code, at Education Code, na aniya ay “cornerstones of BARMM moral self-governance.”
Sinabi pa ni PBBM, “The establishment of your offices, their functions, I look forward to the fulfillment of your vision to realize a united, enlightened, self-governing, peaceful, just, morally upright, and progressive Bangsamoro. As your President, I assure you, the BTA and all the Bangsamoro people, of this administration’s full and unwavering commitment to the peace process and to BARMM.”
Binanggit ni Marcos na ang kaniyang gobyerno sa pamamagitan ng Department of Budget and Management, “ay naglaan ng 74.4 bilyon para sa Bangsamoro region fiscal year 2023.”
Tinukoy din niya ang mga naunang alokasyon ng gobyerno sa Bangsamoro region gaya ng P19 bilyon mula 2017 hanggang 2022 sa pamamabitan ng PAMANA program na nagkaloob ng “socioeconomic interventions that build the culture of peace in highly conflict-affected and vulnerable areas.”
Ayon sa Pangulo, “We will ensure the completion despite delays caused by the COVID-19 pandemic. Given these new opportunities to deliver our commitments to the people of BARMM, I urge you to pass all the crucial legislations on fiscal policy, particularly taxation, and to facilitate the conduct of the elections in the BARMM in 2025.”
Ang halalan sa BARMM ay orihinal na naka-iskedyul noong 2022 kasabay ng 2022 pambansang pangkalahatang halalan, ngunit kinailangang maantala dahil sa pandemya ng COVID-19 at kawalan ng Bangsamoro Electoral Code.
Hinimok niya ang BTA na “magpasa ng mga hakbang na titiyak sa kapakanan ng mamamayang Moro partikular sa agri-fishery, pangangalaga sa kalusugan, transportasyon, komunikasyon, digital infrastructure, at e-governance.”
Pagkatapos ay pinasalamatan ng Pangulo ang iba’t ibang katuwang ng gobyerno na nag-udyok sa proseso ng kapayapaan sa rehiyon ng Bangsamoro.