Gobyerno tiniyak na may sapat na suplay ng pagkain kahit extended ang ECQ
Hindi tataas ang presyo ng pagkain at hindi kukulangin ng suplay kahit pa pinalawig pa ng 15 araw ang Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil sa Covid-19.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, tuloy ang produksyon ng mga manufacturing company ng mga essential products.
Kabilang na rito ang sardinas, gatas, noodles at iba pang basic necessities gaya ng sabon at alcohol.
Katunayan sinabi ni Lopez na umaabot sa 50 percent ang mga manggagawang pinayagang pumasok sa mga Manufacturing industry kahit may ECQ.
DTI Sec. Ramon Lopez:
“Pinapaalala natin sa taumbayan na wag magpa-panic dahil kahit naka ECQ ay napakadami nating suplay dahil sa meeting ng IATF, ina-allow lagpas 50 percent yung skeletal workforce hindi na 30 kelangan more than 50 percent para sa production rate 80-100 percent para hindi magkaroon ng shortage ng raw materials sa 45 days or so, marami ho tayong pagkain”.
Sabi ng kalihim, sa ngayon may sapat na suplay ng pagkain na maaring tumagal pa ng mahigit dalawang linggo.
Hindi rin aniya pinipigilan ang operasyon ng mga cargo para magtuloy-tuloy ang pagpasok ng mga agricultural products sa Metro Manila.
Tiniyak din ng kalihim na walang mangyayaring profiteering at hoarding dahil magkatuwang aniya ang DTI, PNP, CIDG, NBI, DA at DOH sa pagmonitor at paghuli sa mga nagsasamantala.
Bukod sa pagkain at mga basic necessities, pinayagan na rin aniya ang ilang kumpanya na gumawa ng mga facemasks at mga Personal Protective Equipments dahil sa mataas na demand nito sa kasalukuyan.
Sa ngayon aniya ay 10 kumpanya ang pinayagan gumawa nito para hindi na kinakailangang umangkat ang gobyerno.
Samantala, tiniyak din ng kalihim na may inihahanda na silang programa para tulungan ang maliliit na negosyanteng apektado ng nangyayaring shutdown.
Aabot aniya sa isang bilyong pisong pondo ang inihahanda nilang pautang para sa mga micro, small and medium enterprises para tulungan sa pagsisimula ng kanilang negosyo oras na tuluyan nang tanggalin ang umiiral na ECQ.
Ulat ni Meanne Corvera