Gobyerno walang nakikitang banta sa Benham Rise
Tiniyak ng gobyerno na wala silang nakikitang anumang banta para angkinin ng China o anumang bansa ang Benham Rise.
Sa pagdinig ng Committee on Economic Affairs sa panukalang pagbuo ng Benham Rise Development Authority, tiniyak ni National Security adviser Hermogenes Esperon Jr. na ang Pilipinas ang nag-iisa at tunay na nagmamay-ari ng naturang territorial waters.
Katunayan, kinikilala aniya ng China ang karapatan ng Pilipinas sa Benham Rise at hindi papayagan ang exploitation ng anumang bansa sa natural resources ng Benham Rise.
Iginiit ni Esperon na ang namataang paglalayag ng mga Chinese vessel sa Benham Rise noong nakaraang taon ay maituturing lamang na innocent passage o bahagi ng freedom of navigation.
Biniberipika na rin aniya nila ang ulat na pagpapalipad ng mga drone malapit sa Benham Rise.
Inamin ni Esperon na nagsagawa ng research ang China pero hindi pa malinaw kung ginawa ito sa bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sa ngayon, makabubuti na bantayang mabuti ng Pilipinas ang bahagi ng teritoryo nito at maglagay doon ng bandila ng Pilipinas.
Ulat ni: Mean Corvera