Golden Globes, ipalalabas sa Enero 7 sa ilalim ng bagong pagmamay-ari
Gaganapin sa Enero 7, 2024 ang Golden Globes sa gitna ng matinding pagbatikos kaugnay ng mga akusasyon ng korapsiyon at racism sa nakalipas na mga taon.
Ayon sa organisasyon, ang mga nominasyon ay nakatakdang ihayag sa Disyembre onse.
Ang pinagsamang mga parangal sa pelikula at telebisyon ay matagal nang itinuturing na isa sa mga pinakaprestihiyoso sa Hollywood pagkatapos ng Oscars.
Ngunit nawala ang ningning ng Golden Globes sa nakararami sa industriya matapos ihayag ng The Los Angeles Times noong 2021 ang backstage operations ng Hollywood Foreign Press Association (HFPA), na bumubuo sa hurado ng paligsahan.
Partikular na tinukoy sa ulat, na ang grupo ay wala ni isang Black member nang mga panahong iyon, at ang detalyadong mga pangyayari ng pagtanggap ng HFPA voters ng mararangyang regalo mula sa entertainment studios na ang mga produkto ay kanilang pinagbobotohan.
Noong 2022, ang makasaysayang seremonya ay iniwasan ng Hollywood elites at hindi naipalabas sa telebisyon.
Simula noon, ang Globes ay naglunsad ng ilang mga hakbang sa reporma, kabilang ang pagtanggap sa isang mas “diverse group” ng mga botante at pagsisimula ng pagsugpo sa ethics violations.
Ibinalik ng mga pagbabago ang seremonya sa live television noong Enero 2023, at sa kabila ng ilang kapansin-pansing hindi pagdalo sa red carpet ng mga kilalang personalidad, ang bilang ng mga bituin na dumalo — kasama sina Steven Spielberg, Michelle Yeoh at Brad Pitt — ay nagmungkahi na ang Hollywood ay handa nang “mag-move on” mula sa iskandalo.
Gayunman, naitala pa rin nito ang “worst-ever ratings,” na mayroon lamang 6.3 million viewers.
Bilang bahagi ng mga reporma nito, ang Golden Globes ay binili ng mga pribadong mamumuhunan, na epektibong nagpasara sa 80 taon nang HFPA.
At bilang bahagi rin ng anunsiyo, sinabi ng Globes na bumuo ito ng isang bagong komite na siya ngayong magiging responsable sa, “selecting, ratifying and accrediting journalists as voting members” ng jury ng Globes.
Dagdag pa ng pahayag, “The nine-member committee will ‘uphold and enforce rigorous standards and practices’ for the voting body.”
Makakasama sa komite si Tim Gray, beteranong entertainment journalist mula sa Variety magazine, na pinangalanang vice president ng Golden Globes.