Golden Globes journalist group bubuwagin na
Ang asosasyon ng foreign journalists na lumikha sa Golden Globes na nabatbat ng eskandalo, ay bubuwagin na dahil ang Hollywood award show ay pormal nang nabili ng private investors kabilang ang US billionaire na si Todd Boehly.
Sa nakalipas na walong dekada, ang Hollywood Foreign Press Association (HFPA), isang grupo ng humigit-kumulang 100 entertainment writers na may kaugnayan sa overseas publications, ang namahagi ng Globes sa A-list film and television stars.
Ngunit ang mga paratang ng katiwalian, rasismo at amateurism ay humantong sa isang industry-wide boycott kapwa sa Globes at HFPA noong isang taon, at mga panawagan para sa isang wholesome reform ng mga parangal.
Sinabi ni Boehly, na ang investment firm na Eldridge ay nakipag-partner sa Penske Media Corporation para matuloy ang kasunduan, “Today marks a significant milestone in the evolution of the Golden Globes.”
Nakasaad naman sa kanilang joint statement, “The takeover ‘will result’ in the wind down of the HFPA and its membership.”
Walang ibinigay na timeline para sa pagbuwag ng HFPA. Sa ilalim ng mga plano na dati nang inihayag ni Boehly, ang mga kasalukuyang miyembro ng HFPA ay aalukin ng salaried positions upang patakbuhin ang bagong Globes.
Ang nonmember voting body para sa Golden Globes ay pinalawak na at binago nitong nagdaang mga taon. Ang pinaghalong miyembro ng HFPA at entertainment writer sa labas ng HFPA ang kasalukuyang pumipili ng mga mananalo.
Kapag nabuwag na ang HFPA, ang resources nito ay ihihiwalay upang makalikha ng isang bukod na non-profit na nakatuon sa entertainment-related charity work.
Batay sa isang liham mula sa attorney general ng California, kabibilangan ito ng hindi bababa sa $44 million mula sa $48 million na makukuha ng HFPA mula sa napagbentahan ng Globes.
Ang Golden Globes ay orihinal na binuo ng Los Angeles-based foreign correspondents na nagko-cover sa entertainment industry noong 1940s.
Noong 1990s, ang mga organizer nito ay nagkaroon ng napakalaking kapangyarihan sa Hollywood dahil sa kumikitang mga deal sa telebisyon para sa pagsasahimpapawid ng star-studded ceremony.
Ngunit noong 2021, isang paglalantad sa Los Angeles Times ang nagsiwalat na ang HFPA ay walang mga Black na miyembro. Ang palabas ng sumunod na taon ay inalis sa ere ng US network na NBC.
Kasunod ng mga reporma, bumalik sa airwaves ang seremonya nitong Enero, ngunit bumagsak ang ratings sa mababang record na 6.3 milyong manonood at hindi dumalo ang ilang kilalang nanalo.
Sa ngayon ay wala pang kasunduan para sa Globes sa susunod na taon, na nakatakdang maganap sa Enero 7.
Ang American businessman na si Boehly ay siya ring chairman ng Premier League football club na Chelsea.
Ang kaniyang holding company na Eldridge ang may-ari sa Dick Clark Productions, na siyang nagpo-produce sa Golden Globes telecast, at bahagi ng Beverly Hilton Hotel, na siya namang nagho-host sa seremonya.
Minority owner din ito ng ilang Hollywood trade publications, gaya ng Hollywood Reporter, ng indie film studio na A24, at nasa likod ng kamakailan ay award-winning films tulad ng “Everything Everywhere All at Once” at “The Whale.”