Google outage, ini-report ng daang libong users nito
Inireport ng daang libong users ng iba’t ibang Google services, na hindi nila ito ma-access kagabi, ayon sa outage monitor na Downdetector.
Sa tweet ng Downdetector, “User reports indicate Google Maps is having problems since 9:36 PM EDT (0136 GMT).”
Higit 40,000 users, kabilang ang mga nasa New York City at Denver, Colorado, ang nagsabing hindi sila maka-access nang tangkain nilang gamitin ang serbisyo ng Google partikular ang maps at search engine.
Makalipas ang dalawang oras ay nabawasan ang nagre-report tungkol sa outage, ngunit may maliit pa ring bilang ng users ang patuloy na nagre-report na hindi nila ma-access ang cloud at calendar functions.
Ayon sa isang tagapagsalita ng Google, “We’re aware of a software update issue that occurred late this afternoon Pacific Time and briefly affected availability of Google Search and Maps, and we apologize for the inconvenience. We worked to quickly address the issue and our services are now back online.”
Sa Twitter, ay may ilang users na nag-post ng screenshots ng 500 error messages na kanilang natanggap habang tinatangkang gamitin ang Google, kung saan nakasaad, “encountered an error and could not complete your request.”
© Agence France-Presse