Grains Retailers Confederation of the Philippines nakipagdayalogo sa DTI sa isyu ng Executive order 39
Nakipag-usap sa Department of Trade and Industry o DTI ang malaking grupo ng mga rice retailers sa bansa na GRECON o Grains retailers Confederation of the Philippines ukol sa umiiral na price ceiling sa bigas alinsunod sa executive order 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Tiniyak ni grains retailers confideration of the philippines o GRECON National President James Magbanua na iginagalang ng kanilang grupo ang executive order 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na nagtatakda ng price ceiling ng bigas sa halagang 41 pesos ang kada kilo ng regular milled rice at 45 pesos ang kada kilo ng well milled rice.
Sinabi ng GRECON ang pakiusap lamang nila ay ibigay na ng gobyerno ang cash subsidy sa mga maliliit na rice retailers na tinamaan ng price ceiling ng bigas.
Inihayag naman ni Department of Trade and Industry o DTI assistant secretary Agaton Ubero na isinasapinal na ang pangalan ng mga rice retailers na benipisaryo ng cash assistance mula sa gobyerno habang umiiral ang rice price ceiling.
Niliwanag ng DTI na kahit may mga retailers na hindi sumusunod sa rice price ceiling ay hindi pa nagpapataw ng parusa o multa ang pamahalaan subalit sa mga susunod na araw ay magpapataw na ng penalty sa mga violators
Niliwanag ng DTI na hindi naman magtatagal ang bisa ng executive order 39 dahil sa sandaling maging stable na ang presyo ng bigas ay aalisin na ang rice price ceiling.
Hiniling ng DTI sa mga local officials ng mga rice retailers na tumulong na sa pag-identify ng kanilang miyembro na mabibigyan ng cash assistance upang mapabilis ang pamamahagi.
Vic Somintac