Greater Manila area, isasailalim sa ECQ simula sa Lunes, curfew hours 6:00PM-5:00AM
Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19 virus, simula sa Lunes Marso 29, 2021 ay isasailalim sa Enhanced Community Quarantine ang buong Metro Manila kasama ang mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan.
Ito’y matapos pagtibayin ni Pangulong Duterte ang Inter Agency Task Force (IATF) Resolution number 106-A na nagsasailalim sa Greater Manila area sa ECQ simula Marso 29, 2021 hanggang Abril 4, 2021.
Nakapaloob sa resolusyon ang paghihigpit sa paglabas at pagbiyahe ng mga tao, limitasyon sa operasyon ng mga negosyo, at ang pagbabawal sa anumang pagtitipon na dadaluhan ng mahigit sa sampung katao.
Magpapatupad rin ng curfew hours mula 6:00PM hanggang 5:00AM kung saan ang maaari lamang lumabas ay ang mga APOR o Authorized Persons Outside Residence na may dalang ID na magpapatunay na maaari siyang lumabas o bumiyahe.
Mananatiling bawal lumabas ang mga kabataang hindi pa 18 years old, at ang mga mahigit na sa 65 years old, gayundin ang mga buntis at may mga karamdaman.
Ang iba pa ay maaari lamang lumabas upang bumili ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo.
Madedeploy rin ng mga karagdagang uniformed personnel upang magpatupad ng quarantine protocols at maglalagay ng mga checkpoint.
Maaari namang bumiyahe ang mga cargo vehicle papasok ng ECQ areas lalo na ang may dalang suplay ng pagkain.
Hindi muna papayagang magbukas ang mga shopping mall, maliban sa mga essential stores nito tulad ng grocery, pharmacy, at hardware habang take-out at delivery na lamang ang papayagan sa mga restaurant.
(Basahin ang buong quarantine protocols na ipatutupad simula sa Lunes)