Groundbreaking at MOA signing para sa Tourist Rest Areas, isinagawa rin sa Cebu at Davao Del Norte
Nagpatuloy sa mga bayan ng Carmen at Medellin sa Cebu, at sa Samal Island, Davao del Norte ang groundbreaking at memorandum of agreement (MOA) signing ng Department of Tourism (DOT) para sa Tourist Rest Areas.
Ito ay matapos ang seremonya para sa itatayong rest area sa Manolo Fortich, Bukidnon.
Ayon sa DOT, ang Tourist Rest Area ay isa sa mga flagship program ni Tourism Secretary Christina Frasco.
Bukod sa malinis na restrooms para sa mga turista ay magkakaroon ang TRA ng coffee shop, pasalubong store, tourist information area, at charging station.
Layunin ng pasilidad na maging komportable ang mga turista sa kanilang pagbiyahe sa iba’t ibang tourist destination sa bansa.
Pinili ang mga nasabing lugar sa Cebu at Samal Island dahil sa kanilang strategic location.
Ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang magpupondo at magtatayo sa TRA.
Sa ilalim ng MOA, ang lokal na pamahalaan ang inatasan na mangalaga sa TRA.
Pagkakalooban ng financial incentive o project ang LGU na makatutugpn sa 90% criteria na itinakda para sa maintenance ng pasilidad.
Magsasagawa naman ang DOT regional offices ng periodic assessment at monitoring sa rest areas.
Nagkakahalaga ng P7 milyon ang konstruksyon ng bawat isang TRA.
Target ng DOT na matapos ang rest areas bago matapos ang taon.
Moira Encina