Groundbreaking ceremony ng Northern Tagalog Regional Hospital isinagawa sa Montalban
“Bagong ospital, Bagong pag-asa,” ito ang naging mensahe ni Congressman Fidel Nograles, kaugnay ng temang Pagbabago at Pag-asa sa Pandemya, sa ginanap na groundbreaking ceremony ng Northern Tagalog Hospital sa Montalban, Rizal.
Ito ang magiging pinakaunang pambansang ospital sa Rizal.
Dinaluhan ito ng isa sa mga katuwang sa pagpapatayo ng ospital na si Deputy Speaker Michael “Mikee” Romero ng 1PACMAN partylist.
Kabilang din sa mga dumalo sina Dept. of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo Vega at iba pang mga opisyales ng DOH, at mga opisyales ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa pangunguna ni Engr. Juliana Vergara, District Engineer ng Rizal II.
Dumalo rin sa seremonya si Antipolo City former Mayor Jun Ynares, vice governor Reynaldo San Juan, board member Rommel Ayuson, Montalban Mayor Dennis Hernandez, at mga miyembro ng sangguniang bayan ng Montalban.
Ang bagong pagamutan ay isang Level 2 National Hospital sa ilalim ng DOH. Nangangahulugan ito na ang mga doktor at nurse ay may iba’t-ibang pinagdalubhasaan o espesyalidad. Malawak din at makabago ang antas ng pasilidad, kagamitan, at serbisyong medikal ng ospital.
Tamang tama rin ang timing at lokasyon ng bagong ospital, dahil ang Montalban ang may pinakamaraming bilang ng tao sa lahat ng mga bayan sa Pilipinas.
Taos-puso namang pinasalamatan ni Cong. Nograles ang mga naging katuwang mula sa pamahalaan, upang isulong ang pagbabago at pag-asa sa gitna ng pandemya, ito ay sa katauhan nina Senator Christopher “Bong” Go, Deputy Speaker Michael “Mikee” Romero ng 1PACMAN partylist, Governor Rebecca “Nini” Ynares, at Mayor Dennis “Tom” Hernandez.
Ipinagpasalamat din ng mga taga Montalban ang pagkakaroon nila ng makabago at napapanahong pagamutan, na kanilang matatakbuhan sa panahon ng pangangailangan.
Ulat ni Frisco Marquez