Grupo ng Healthcare Workers, hindi pabor sa pagbawas ng sukat para sa physical distancing sa mga pampublikong transportasyon
Tutol ang Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 sa pagbawas ng Department of Transportation sa sukat para sa physical distancing sa pampublikong transportasyon.
Simula ngayong araw, epektibo na ang .75 meter na “reduced physical distancing” sa MRT-3, LRT-1 at 2, PNR at ibang pampublikong sakayan.
Sa virtual press conferences ng HPAAC, sinabi ni Dr. Antonio Dans na masyado pang maaga para irelax ang social distancing measure sa public utility vehicles.
Pero binigyang diin ni Dans na hindi sila tutol sa pagbabalik sigla ng ekonomiya dahil kailangan ito.
Nagbabala si Dans na ang ganitong hakbang ng DOTr ay magpalala lamang ng kaso ng covid 19 infection sa bansa at magpabagal ng recovery ratenng covid cases.
Bagamat mahalagang isyu aniya ang ekonomiya ay mahalagang isyu rin ang dami ng nagkakasakit dahil sa covid 19.
Umaasa naman si Dans na patuloy na magiging bukas ang DOTr at Department of Health sa pakikipagpulong sa medical societies lalo na sa panahon na ito ng pandemya.
Patuloy naman ang paalala ng HPAAC sa publiko na sumunod sa minimum health standards gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing at paghuhugas ng kamay.
Madz Moratillo