Grupo ng mga jeepney drivers kinuwestyon sa Korte Suprema ang pagbabawal sa karamihan sa kanila ng gobyerno na makabyahe ngayong pandemya
Nagpasaklolo na sa Korte Suprema ang isang grupo ng mga drivers ng tradisyunal na jeepney na bigong makabyahe ngayong pandemya.
Sa kanilang petisyon, hiniling ng National Confederation of Transportworkers Union at 16 na tsuper at operators ng jeep mula sa Mandaluyong at Maynila na ipawalang-bisa ng Supreme Court ang ilang memorandum circulars at guidelines na inisyu ng LTFRB, DOTr, at IATF.
Nais din ng grupo na magdaos ang Korte Suprema ng oral arguments sa kanilang petisyon.
Iginiit ng mga petitioners na nalabag ang karapatan ng mga jeepney drivers na makapagtrabaho at magkaroon ng sapat na ikabubuhay o adequate standard of living dahil sa pagpapahinto sa kanilang makapasada.
Nilabag din daw ng mga nasabing kautusan ng gobyerno ang equal protection clause, separation of powers at due process dahil sa pagsuspinde sa biyahe ng mga traditional PUJs o public utility jeepneys.
Kinuwestyon din ng mga petitioners ang pag-discriminate ng mga respondents sa mga tradisyunal na jeep.
Ayon sa grupo, pinayagan nang unti-unti ang ibang public transportation na makabyahe pero na-single out ang traditional jeepneys nang walang sapat na basehan.
Bunsod ng pagkawala ng kita, napilitan daw ang marami sa mga tsuper na mamalimos sa lansangan dahil wala nang mapakain sa kanilang pamilya.
Mayroon naman iba na nanirahan na lamang sa kanilang jeep.
Bagamat ang ilang petitioners ay nakakabyahe na pero limitado lang ang kanilang ruta kaya kaunti lang din ang pasahero at nagkaroon din ng dagdag gastos para makatugon sa health protocols.
Ipinunto pa sa petisyon na kahit tigil-pasada ang jeep at iba pang public transport ay patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng Covid -19 sa bansa.
Moira Encina