Grupo ng mga kabataan kinuwestyon sa Korte Suprema ang proklamasyon ng Comelec sa Duterte Youth Partylist
Iniakyat na sa Korte Suprema ng ibat ibang grupo ng mga kabataan ang pag-proklama ng Comelec sa Duterte Youth Partylist at sa first nominee nito na si Ducielle Cardema.
Ayon sa mga petitioners mula sa Youth Act Now Against Tyranny, hindi dapat na maupo sa Kongreso ang Duterte Youth at si Cardema dahil sa peke o hindi ito registered partylist group.
Paliwanag nila bigo ang grupo na makatugon sa ilang requirements na nakasaad sa Saligang Batas para ito maging ganap na partylist.
Binigyang-diin ng mga grupo na hindi rin tunay na kinatawan ng kabataan ang Duterte Youth.
Iginiit pa ng mga youth organizations na nakagawa ng grave abuse of discretion ang poll body nang iproklama nito ang Duterte Youth at si Cardema.
Pinaratangan nila ang poll body na pinaikutan ang mga batas sa pagbigay ng mga pabor sa Duterte Youth para ito makalusot.
Inisa-isa ng grupo sa kanilang petisyon ang serye ng mga anilay legal contortions, procedural maneuverings at pagbaluktot sa batas na ginawa ng Comelec para sa Duterte Youth.
Dahil dito, hiniling ng mga petitioners sa Korte Suprema na magisyu ito ng Status Quo Ante Order para mabaligtad ang proklamasyon sa grupo.
Nais din nila na ipawalang-bisa ang proklamasyon ng Comelec sa Duterte Youth at matanggal sa posisyon si Cardema.
Moira Encina