Grupo ng mga magulang muling nagrally sa harap ng Comelec
Muling nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng tanggapan ng Comelec ang mga myembro ng League of Parents of the Philippines laban sa mga militanteng Partylist group.
Pero bago sila nakapagsagawa ng programa sa harap ng poll body, nagkaroon muna ng komosyon dahil ayaw silang payagan ng mga pulis.
Dapat daw kasi sa freedom park magrally ang mga ito.
Pero sa huli, nagkaayos din naman ang magkabilang panig at pinayagan silang makapagsagawa ng maikling programa.
Panawagan nila sa mga Commissioner ng Comelec, aksyunan na ang mga petisyong nagpapadiskwalipika sa mga partylist group na kabilang sa Makabayan Bloc.
Partikular na rito ang mga nanalong partylist gaya ng Kabataan, Gabriela at ACT Teacher na inuugnay sa teroristang New Peoples Army.
Giit ni Remy Rosadio, chairperson ng League of Parents of the Philippines, malapit na naman ang pagsisimula ng pasukan at magsasagawa na ng face to face class.
Umapila rin sila kay Vice President elect Sara Duterte na gumawa ng aksyon laban sa ganitong gawain ng mga front organization ng NPA na nagrerecruit ng mga estudyante laban sa gobyerno.
Ayon sa Comelec, sa ngayon, nakapending parin sa kanila ang petisyong nais madiskwalipika ang mga nasabing partylist group.
Madelyn Villar – Moratillo