Grupo ng mga magulang na pabor Anti-Terror law, umapela sa SC na pagtibayin ang batas
Kinalampag ng ilang grupo ng mga magulang ang Korte Suprema para pagtibayin ang Anti- Terrorism law at ibasura ang mga petisyon na inihain laban dito.
Nakabinbin pa rin sa Supreme Court ang halos 40 petisyon laban sa kontrobersyal na batas.
Suportado ng League of Parents of the Philippines (LPP) at Liga Independencia Pilipinas (LIPI) ang implementasyon ng Anti- Terror Act.
Ang mga grupo ay binubuo ng mga magulang ng mga estudyante na sinasabing ni-recruit ng mga makakaliwang grupo para sumapi sa NPA.
Naniniwala ang LPP at LIPI na malaki ang magagawa ng Anti- Terror law para maprotektahan ang kanilang mga anak laban sa recruitment ng NPA.
Nangangamba si LPP President Remy Rosadio na kapag ipinawalang-bisa ang batas ay lalong tatapang ang CPP-NPA-NDF at patuloy na mambibiktima ng kabataan na hihimuking sumali sa armadong pakikibaka.
Noong Nobyembre, sinabi ni Chief Justice Alexander Gesmundo na hindi pa tapos ang deliberasyon ng mga mahistrado sa kaso.
Pero, umaasa si Gesmundo na bago matapos ang taon ay maresolba at mapagpasyahan na ng SC ang anti-terror law petitions.
Moira Encina