Grupo ng mga negosyanteng Tsinoy, tiwala na makakamit ang economic recovery sa ilalim ng Marcos Gov’t
Kumpiyansa ang Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) na makababangon ang ekonomiya ng bansa mula sa mga epekto ng pandemya sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay FFCCCII President Dr. Henry Lim Bon Liong, tiwala sila na makakamtan ang economic recovery bunsod ng socio-economic plans ng bagong pamahalaan.
Bukod dito aniya ay maayos ang monetary at fiscal policies at positibo ang macroeconomic and demographic fundamentals ng bansa.
Muling inihayag ng grupo ang pagsuporta nito sa mga plano at reporma ng Marcos Administration upang mapasigla ang ekonomiya.
Partikular na sa mga adhikain nito para matugunan ang food self-sufficiency, enerhiya, supply stability, agrikultura, paglikha ng trabaho, at iba pa.
Hinimok din ng business groups ang mga Pilipino na palakasin ang pambansang pagkakaisa dahil ang tagumpay ng bagong pamahalaan ay nangangahulugan ng pag-unlad, katatagan at kapayapaan ng bansa.
Moira Encina