Guam, naghahanda para sa direktang pagtama ng Super Typhoon Mawar
Patungo at direktang tatama sa Guam, na isang teritorto ng US sa Pasipiko at isang mahalagang outpost ng militar ng US, ang Super Typhoon Mawar na taglay ang mapaminsalang hangin.
Ayon sa ulat ng National Weather Service (NWS), lumalakas ang Mawar patungo sa Category Five super typhoon na may pinakamalakas na hangin na 160 milya bawat oras, at pagbugsong aabot sa 200 bawat oras.
Sinabi ni Governor Lou Leon Guerrero, “I am worried for the safety of our people. This is the first storm of this magnitude for 20 years.”
Sa kasalukuyang trajectory nito, direktang dadaan ang Mawar sa isla na may 170,000 katao, na magpapakawala ng malalakas na ulan at matinding pagbaha.
Ayon sa NWS, “Mawar is forecast to intensify through tonight.”
Sa kanilang advisory, sinabi ng National Weather Service office sa Guam, na hanggang kaninang alas-4:00 ng umaga, Miyerkoles, oras sa Guam, (1800 GMT), ang bagyo ay nasa 85 milya (135 kilometro) timog-silangan ng Guam, taglay ang lakas ng hangin na 155 miles per hour (mph).
Sinabi nito, “Passage very near or directly over Guam is imminent. The triple threats of Super Typhoon Mawar are torrential rains that may result in landslides and flash flooding, catastrophic wind, and life-threatening storm surge.”
Ipinag-utos na ng mga awtoridad ang paglikas ng mga nasa low-lying coastal areas, laluna sa flood-prone southern villages.
Ang pagbugso ng hangin ay maaaring umabot ng hanggang 200 mph malapit sa mata ng bagyo, na magdadala ng malaking pinsala sa mga gusali at bahay na gawa sa light materials, gaya ng hindi konkretong bubong at dingding na hindi gawa sa reinforced concrete.
Ayon sa pahayag ng NWS, “Surge may reach to between 20 and 25 feet above normal high tide for the most vulnerable storm surge prone areas near the eye wall.”
Mga 21,700 tauhan ng US military at kanilang mga pamilya ang nakabase sa o malapit sa ilang mga pasilidad sa Guam, na regular na nagho-host ng mga nuclear attack submarine, long-range bombers at tahanan ng mahahalagang electronic listening post.
Ang US bases ay nagho-host din ng ilan sa mga pinakamahalagang kagamitan sa pag-imbak ng bala at gasolina sa rehiyon ng Pasipiko.
Sinabi ng NWS, na batay sa pagtaya, ang Guam ay makararanas ng 10-15 pulgadang pag-ulan habang may ilang lugar na makararanas ng 20 o higit pang pulgada. Babala ng weather service, ito ay maaaring magdulot ng pagguho ng lupa sa gitna at timog na bahagi ng isla.
Sa isang Facebook post, nagbabala si Guerrero sa mga residente sa isla na “AGAD MAGHANAP NG MAPAGKAKANLUNGAN” sa pagsisimula pa lamang ng pagdating ng mapaminsalang hangin na inaasahan bago lubusang tumama ang bagyo.
Pinaalalahanan din ang mga tao na manatili sa loob at lumayo sa mga bintana, at huwag nang lumabas ng bahay dahil ang nagliliparang debris ay maaaring magdulot ng malubhang pinsala.
Nagdeklara na si President Joe Biden ng isang state of emergency para sa Guam, upang mabigyan sila ng federal aid ayon sa pahayag mula sa White House.
Ipinabatid naman ng A.B. Won Pat International Airport, na kinansela na ang 60 flights na paalis mula o parating sa Guam at naka-schedule ng Martes at Huwebes.