‘Guardians’ dalawang linggo nang nangunguna sa box office
Muling nanguna sa North American theaters sa ikalawang sunod na linggo ang “Guardians of the Galaxy Vol. 3” ng Marvel, makaraang kumita globally ng $60.5 million.
Ang bagong kuwento ng intergalactic mercenaries, ay muling pinagbibidahan nina Chris Pratt, Zoe Saldana, Dave Bautista, Bradley Cooper at Vin Diesel – at nasa misyon sila ngayon upang iligtas ang kasamahang si Rocket Raccoon mula sa isang scientist na gustong kunin ang utak nito.
Dinaig ng “Guardians” ang “The Super Mario Bros. Movie” ng Universal na dating nangunguna. Ngunit ang video game-based “Mario,” na pinagbibidahan din ni Chris Pratt at kumita na ng higit sa $1.2 billion sa buong mundo, ay namamalaging matatag sa ikalawang puwesto sa loob ng anim na linggo na, at kumita pa ng dagdag na $13 million sa nakalipas na Friday-through-Sunday period.
Ang “Book Club: The Next Chapter,” isang Focus Features sequel sa isang “well-received romantic comedy” para sa mga nakatatanda, ang pumangatlo sa debut weekend nito matapos kumita ng $6.5 million, na ayon sa analyst na si David Gross ay “mabagal na simula” at nagsabing “older audiences take their time getting to these movies.”
Ang pelikula, na tungkol sa apat na magkakaibigan na bumiyahe sa Italy, ay kinatatampukan ng all-star quartet nina Diane Keaton, Jane Fonda, Candice Bergen at Mary Steenburgen — na lahat ay nasa kanila nang 70s o 80s.
Nalaglag naman ng isang puwesto ang blood-soaked horror film ng Warner Bros. na “Evil Dead Rise” sa ika-apat na puwesto na kumita ng $3.7 million. Pinagbibidahan ito nina Lily Sullivan at Alyssa Sutherland na gumanap na magkapatid.
Nasa ika-limang puwesto na ngayon ang Lionsgate comedy-drama na “Are You There God? It’s Me, Margaret,” na dating nasa ika-apat na puwesto, matapos kumita ng $2.5 million. Pinagbibidahan ito ni Abby Ryder Fortson na gumanap sa papel ng sixth-grader na si Margaret Simon.
Nasa ika-6 hanggang ika-10 puwesto naman ang mga sumusunod:
“Hypnotic” (2.4 million)
“John Wick: Chapter 4” ($1.9 million)
“Love Again” ($1.6 million)
“Air” ($750,000)
“Dungeons & Dragons: Honor Among Thieves” ($740,000)