Guevarra: Seating capacity sa mga religious gatherings sa GCQ areas, maaaring itaas hanggang sa 30% ng IATF
Rerebyuhin ng Technical Working Group ng IATF ang naunang resolusyon nito ukol sa religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ with heightened restrictions.
Ayon kay Justice Secretary at IATF member Menardo Guevarra, napansin ng ilang religious groups at mga alkade sa Metro Manila na nawala ang flexible clause sa IATF resolution kaugnay sa seating capacity sa religious gatherings habang umiiral ang GCQ.
Sa dating resolusyon noong MECQ aniya ay pinapayagan ang hanggang 10% seating capacity at pwede itong gawin na hanggang 30% kung walang tutol ang LGUs.
Pero sa pinakahuling resolusyon ng IATF ngayong GCQ aniya ay nananatiling limitado sa 10% ang maximum venue capacity ngunit nawala na ang flexible clause.
Sinabi ni Guevarra na isusumite ng TWG sa IATF ang kanilang rekomendasyon sa susunod nitong pagpupulong.
Maaari aniyang gawing hanggang 30% ang seating capacity sa GCQ areas dahil sa MGCQ areas ay pinapayagan na ito hanggang 50%.
Naniniwala si Guevarra na simpleng “oversight” lang o pagkakamali ito sa resolusyon at agad din ito na maisasaayos.
Moira Encina