Guhit ng isang Ilonggo kay Miss Universe Philippines Rabiya Mateo, umani ng papuri at paghanga mula sa mga netizen
Umani ng papuri at paghanga mula sa mga netizen ang ginawang pagguhit ng isang amateur Ilonggo artist na Jun Vic Alborilla kay Miss Universe Philippines winner na si Rabiya Mateo.
Kuhang-kuha ng bente sais anyos na Ilonggo artist ang facial feature ng kinoronahang kandidata, gamit ang ballpen, pentel pen at sketch pad.
Ginawa ito ni Alborilla sa loob ng mahigit tatlong oras.
Ayon kay Alborilla, ang kanyang gawa ay patunay lamang ng kanyang pagbibigay ng suporta sa nanalong beauty queen na isa ring Ilonggo.
Bukod sa ginawa nitong pagguhit kay Mateo, ilan din itong obra na ginawa ngayong may umiiral na Community Quarantine sa buong bansa.
Ilan sa tema ng kanyang mga obra ay mga makikita sa kalikasan, self portrait, at TV series characters.
Ayon kay Alborilla, mas nalinang ang kanyang kakayahan sa larangan ng sining ngayong may pandemya sa bansa dahil sa Covid 19.
Ito aniya ang kanyang naging daan para mapagtagumpayan ang anxiety at depression dala ng nakakamatay na virus.
Dagdag pa nito, kahit saang larangan ay nagtatagumpay ang mga Ilonggo dahil sa kanilang dedikasyon, inspirasyon, at pagmamahal sa kanilang ginagawa.
Nagpapasalamat naman si Alborilla sa mga netizens na humanga at sumuporta sa kanyang mga ginawang guhit.
Ulat ni Sweet Joy De Jesus