Gun simulator gagamitin para paghusayin ang marksmanship ng PNP personnel
Paghuhusayin pa ng Philippine National Police (PNP) ang marksmanship ng mga tauhan nito.
Sa tala, 80 porsyento lang ng mga pulis ang pumapasa sa marksmanship test dahil sa kakulangan sa actual training sa paggamit ng baril dahil sa limitadong supply ng bala.
Upang maisakatuparan ito, bumili ang PNP Training Services ng Guns Simulator mula sa Estados Unidos kung saan tunay na baril pa rin ang gagamitin ngunit sa halip na live ammunition ay carbon dioxide ang laman ng magazine.
“We are confident na with this mapapataas ang proficiency nila dahil want to sawa sila na puputok dito,” paliwanag ni Police Colonel Radel Ramos, acting director ng PNP Training service.
Nabili ng PNP ang kasangkapan sa halagang P6-million pero malaking tipid umano kumpara sa paggamit ng tunay na bala na nagkakahalaga ng P28/piraso.
Bawat taon, dalawang beses sumasailalim sa marksmanship training ang mga pulis.
“Magiging cost effective ito kasi hindi na bibili ng bala. Kung gumagastos kami ng bala, 50 rounds of ammunition, mababawasan na ito ng 50% to 60%,” dagdag na pahayag ni Ramos.
Malaki rin ang pakinabang ng mga police trainee sa gun simulator lalo’t nagsisimula pa lang silang mag-aral sa paggamit ng baril.
Sa ngayon, isang unit ng gun simulator pa lang ang nabili ng PNP na nasa Kampo Crame.
Pero plano pa ng PNP na dagdagan ito para ilagay sa kanilang mga regional office.
Mar Gabriel