Guro sa Indonesia, senintensiyahan ng habangbuhay na pagkakabilanggo dahil sa panghahalay sa 13 estudyante
Senintensiyahan ng isang korte sa Indonesia ng habangbuhay na pagkabilanggo ang isang guro, dahil sa panghahalay sa 13 estudyante.
Ang naturang kaso ay pumukaw sa atensiyon ng buong bansa, tungkol sa pang-aabusong seksuwal sa religious boarding schools sa Indonesia.
Si Herry Wirawan ay napatunayang guilty ng Bandung district court sa West Java, ng panghahalay sa 13 babaeng estudyante na pawang menor-de-edad kung saan walo sa mga ito ang nabuntis.
Sa ginanap na paglilitis, lumitaw na ginawa ang panghahalay sa mga biktima na karamihan ay mula sa mahihirap na pamilya, na nakapasok sa paaralan sa pamamagitan ng scholarships, sa loob ng limang taon.
Ang pattern ng pang-aabuso ay nahayag, nang si Wirawan ay isumbong sa pulisya ng pamilya ng isang babaeng estudyante na biktima ng kaniyang panghahalayay at nabuntis noong 2021.
Ang rebelasyon ay nagresulta sa “national outrage,” kung saan isang senior government official ang nagsabing, binigyan ng espesyal na pansin ni President Joko Widodo ang kaso.
Ang 36-anyos na si Wirawan, ay dumating sa korte nang nakaposas at nakayuko ang ulo, habang binasa naman sa kaniya ni judge Yohannes Purnomo Suryo Adi ang kaniyang sentensiya na habangbuhay na pagkakabilanggo.
Sinabi rin ng korte na ang bayad-pinsala para sa mga biktima ay sasagutin ng gobyerno.
Higit sa 25,000 Islamic boarding schools — na kilala sa tawag na “pesantren” — ang nagkalat sa magkabilang panig ng Indonesia, kung saan halos limang milyong mga estudyante ang naninirahan at nag-aaral sa mga dorm.
Ang pagtuturo ay madalas na may sinusundang kaayusan — ang mga mag-aaral ay dumadalo sa mga regular na klase sa araw at nagpapatuloy sa pag-aaral ng Koran at mga turo ng Islam hanggang sa gabi.
Ang Bandung rape case ay naging daan para muling mabigyang-pansin ang problema sa pang-aabusong seksuwal sa mga paaralan, na 14 mula sa 18 mga kasong iniulat sa National Child Protection Commission noong 2021 ay nangyari sa pesantren.