Gusali sa Syria gumuho, 16 patay
Labing-anim katao ang nasawi kabilang ang mga bata, matapos gumuho ng isang gusali sa siyudad ng Aleppo sa Syria.
Malaking bahagi ng Aleppo ang nawasak sa panahon ng giyera sa Syria, na nagsimula halos 12 taon na ang nakalilipas at marami naman sa mga natitirang istraktura ang naging mahina na.
Ayon sa state news agency na SANA, “The number of victims of the residential building collapse… has risen to 16 dead.” Sinabi ng isang war monitor na ang mga nasawi ay Syrians na na-displace sa panahon ng giyera.
Apat katao naman na nasaktan ang nailigtas nang buhay mula sa guho.
Dose-dosenang rescue workers ang nagtulungan, kung saan ang iba ay gumamit na ng kamay para maghukay mula sa ilalim ng guho.
Sa report naman ng isang Kurdish news agency, limang bata ang kabilang sa mga namatay. Isa sa mga ito ay sanggol ayon sa Syrian Observatory for Human Rights.
Sinabi ng interior ministry, na ang limang palapag na gusali ay tahanan ng pitong pamilya at ayon sa mga residente sa lugar, nasa 35 katao ang naninirahan doon.
Ang mga gusali sa Aleppo, na siyang commercial hub ng Syria bago ang giyera, ay malimit na gumuguho dahil sira-sira na ang mga ito, at hindi rin halos napangangasiwaan ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga bagong construction project, na ang ilan ay ilegal na itinayo.
Sa report ng SANA, binanggit nito na sinabi ng isang police source na ang gumuhong gusali, na nasa Sheikh Maksoud neighborhood ng Aleppo, ay gumuho dahil sa “water leak” sa mga pundasyon nito.
Ang naturang neighborhood ay pinaninirahan ng mga Syrian Kurds na nasa ilalim ng pamumuno ng People’s Protection Units (YPG) militia, na bahagi ng de facto army ng Kurdish authorities.
Gayunman, ang Aleppo mismo ay nasa ilalim na ng kontrol ng gobyerno, matapos itong mabawi mula sa kamay ng mga rebelde sa panahon ng urban combat.
Sinabi naman ng British-based Syrian Observatory, na ang mga biktima ay mga na-displace mula sa Afrin, na nasa malayong hilaga, nang magsagawa ng opensiba noong 2018 ang kapitbahay na bansa ng Syria na Turkey.
Halos kalahating milyong katao ang namatay sa giyera sa Syria, na nagsimula noong 2011 at naging dahilan para ma-displace ang kalahati ng populayon ng bansa.
Karamihan sa mga lumikas sa kanilang tahanan ay napilitang lumipat sa mga gusali na hindi matibay, na nagresulta sa malimit na pagguho ng mga ito.
Noong Setyembre, isang gusali ang gumuho sa Ferdaws neighborhood ng Aleppo na ikinasawi ng 10 katao, kabilang ang tatlong bata.
© Agence France-Presse