Gymnast champ na si Yulo, target humakot ng 7 ginto sa Vietnam SEAG
Target ng two-time world gymnastics titlist na si Carlos Edriel Yulo, na makakuha ng pitong gintong medalya sa 31st Southeast Asian Games na idaros sa Hanoi, Vietnam sa Mayo.
Sa ginanap na 2019 Manila SEA Games, ay humakot si Yulo ng dalawang gold at limang silver medals.
Nasa Pilipinas ngayon si Yulo upang magbakasyon at makasama ang kaniyang pamilya, makaraan ang halos dalawang taon ding pag-aaral at pagsasanay sa Japan.
Inaasahang gagamitin ng Tokyo Olympian ang bagong routine na kaniyang hinahasa, sa isang torneo na gaganapin sa Japan sa Abril.
Bukod sa SEA Games sa Vietnam ay lalaban din si Yulo sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre at sa World Championships sa Liverpool, Great Britain.
Samantala, target din ng Filipino gymnastics darling na makakuha ng ginto sa men’s individual all-around sa Paris 2024 Olympics.
Si Yulo, na naging world champion sa parehong floor exercise at vault, ay naghahangad na magkaroon ng balanseng performance sa quadrennial games dalawang taon mula ngayon.
Kahit na ang floor exercise pa rin ang natitirang pet event, sinabi ni Yulo na matagal nang plano na maging pinakamahusay siya sa lahat ng events.
Aniya . . . “Plano naman po talaga yun since 2016 po eh. Na hindi lang po dalawang events yung kaya ko. Nagpapractice naman po talaga ako ng six events pero naga-add ako this time para nga po sa goal ko na makuha po yung individual all around po sa 2024.”
Sa 2019 Southeast Asian Games, nanalo si Yulo ng ginto sa floor exercise, at mga pilak sa pommel horse, still rings, vault, parallel bars at horizontal bar.
Naniniwala ang coach ni Yulo na si Munehiro Kugimiya, na ang medalyang ginto sa all-around sa Paris ay posible, basta’t magsikap siya patungo sa kanyang layunin.