Halos 150 libong bakuna, nasunog
Halos 150-libong doses ng COVID-19 vaccines ang nadamay sa sunog sa Provincial Health Office ng Zamboanga del Sur.
Batay sa nakarating na ulat sa National Task Force Against COVID-19 at Department of Health, 148,678 doses ng bakuna ang nasunog.
Kabilang dito ang 88,938 Pfizer vaccine, 36,164 Sinovac, 14,400 Moderna at 9,176 doses ng AstraZeneca.
Ang nasunog na mga bakuna na nakaimbak sa provincial cold chain storage facility, ay ipamamahagi sana sa 26 na munisipalidad at isang component city sa lalawigan.
Ang AstraZeneca ay para sana sa 2nd dose ng mga una nang nabakunahan sana na naka-schedule bukas, November 3 habang ang Moderna vaccines ay para sana sa mga batang nasa edad 12-17.
Kaugnay nito, nangako sina health secretary Francisco Duque III at vaccine czar secretary Carlito Galvez, na magpapadala ng bagong suplay ng mga bakuna sa sandaling maitayo na ang bagong storage facility.