Halos 200 patay, 1,800 ang nasugatan sa sagupaan sa Sudan: UN
Ikinasawi na ng humigit-kumulang 200 katao at ikinasugat ng 1,800 ang labanan sa pagitan ng army at paramilitaries sa Sudan, na naging sanhi rin ng pagkapinsala ng mga ospital.
Noong Sabado, ay nauwi sa karahasan ang isang linggong agawan sa kapangyarihan sa pagitan ng mga puwersa ng dalawang heneral na nang-agaw ng kapangyarihan noong 2021 sa pamamagitan ng isang kudeta, ang hepe ng hukbo ng Sudan na si Abdel Fattah al-Burhan at kaniyang deputy na si Mohamed Hamdan Daglo, na namumuno sa paramilitary Rapid Support Forces (RSF).
Sinabi ng mga analyst, na ang labanan sa kapitolyo ng hindi matatag na bansa ay hindi pa nangyari at maaaring tumagal, sa kabila ng pang-rehiyon at pang-buong mundong panawagan ng tigil-putukan.
Nitong Lunes, ay inatake sa kaniyang tahanan sa Khartoum ang ambassador ng European Union (EU) sa Sudan, ayon sa top diplomat ng EU na si Josep Borrell. Sinabi naman ng isang tagapagsalita na “OK” na ang beteranong diplomat kasunod ng nangyaring pag-atake.
Ani Borrell, “Security of diplomatic premises and staff is a primary responsibility of Sudanese authorities and an obligation under international law.”
Nangyari ang mga labanan sa buong bansa at may mga pangamba na umabot ito sa iba pang rehiyon. Ang sagupaan ay kinabilangan ng air strikes, artillery at heavy gunfire.
Nagbunga ito ng mahabang pila sa pagbili ng pagkain at gas sa mga tindahang hindi napinsala. Nakararanas din ang mga residente ng kawalan ng suplay ng kuryente.
Sa isang close door session, ay iniulat ni Volker Perthes, pinuno ng United Nations mission to Sudan, sa Security Council na hindi bababa sa 185 katao ang namatay at 1,800 naman ang nasugatan.
Aniya, “It’s a very fluid situation so it’s very difficult to say where the balance is shifting to.”
Nitong Lunes din ay hinimok ni UN Secretary-General Antonio Guterres ang magkalabang partido na “agad nang itigil ang labanan.” Nagbanta ito na ang paglala ng sitwasyon ay “maaaring ikapinsala ng Sudan at ng rehiyon.”
Noong una ay sinabi ng mga medic sa Sudan na halos 100 sibilyan at dose-dosenang fighters mula sa magkabilang panig ang nasawi, ngunit ang bilang ay pinaniniwalaang mas mataas pa, dahil marami sa mga sugatan ay hindi na nadala sa mga ospital.
Nagbabala naman ang opisyal na unyon ng mga doktor, na ang labanan ay “lubha nang sumira” ng maraming mga pagamutan sa Khartoum at sa iba pang mga siyudad, na ang ilan ay tuluyan nang “hindi magagamit.”
Una nang nagbabala ang World Health Organization, na ang ilang mga ospital sa Khartoum na gumagamot sa mga sugatang sibilyan ay “naubusan na ng dugo, transfusion equipment, intravenous fluids at iba pang mahahalagang suplay.”
Sa western region ng Darfur, iniulat ng international medical aid organization na Doctors Without Borders (MSF) na tumangap sila ng 136 na sugatang mga pasyente sa nag-iisang nag-ooperate na ospital sa El Fasher sa estado ng North Darfur.
Sinabi ni Cyrus Paye ng MSF, “The majority of the wounded are civilians who were caught in the crossfire — among them are many children. Due to limited surgical capacity, 11 people died from their injuries in the first 48 hours of the conflict.”
Ayon naman sa Save the Children at sa MSF, kabilang din sa nasawi noong Sabado sa Darfur ang tatlong UN World Food Program staff, at ninakaw naman ang medical at iba pang mga suplay na ginagamit sa humanitarian missions doon.
Ilang bilang ng mga organisasyon ang pansamantalang tumigil ng operasyon sa bansa, kung saan ang 1/3 ng populasyon ay nangangailangan ng ayuda.
Sinabi ni UN emergency relief coordinator Martin Griffiths, “This renewed fighting only aggravates what was already a fragile situation, forcing UN agencies and our humanitarian partners to temporarily shutter many of our more than 250 programs across Sudan.”
Inanunsiyo naman ng makapangyarihang kapitbahay ng Sudan sa hilaga, ang Egypt, na nakipag-usap ito sa Saudi Arabia, South Sudan at Djibouti — na lahat ay malapit na kaalyado ng Sudan — upang talakayin ang “pangangailangan na gawin ang lahat upang mapanatili ang katatagan at kaligtasan.”
Nanawagan si President Abdel Fattah al-Sisi sa dalawang magkatunggaling partido na “bumalik na sa negotiating table” at sinabing inaasikaso niya ang pagpapabalik sa Egyptian military “trainers” na hinuli ng RSF forces noong Sabado sa isang air base.
Ang Gulf emirate Qatar ay nakipag-usap kay African Union commission head Moussa Faki Mahamat, na nagpaplanong magsagawa ng isang “agarang” ceasefire mission.
Samantala, wala nang civilian flights na darating sa Khartoum, kung saan sinira ng labanan ang mga aircraft.
Ang labanan ay sumiklab matapos ang hindi pagkakasundo sa pagitan ni Burhan at Daglo tungkol sa nakaplanong pagsanib ng RSF sa regular army — isang pangunahing kondisyon para sa isang pinal na kasunduan na naglalayong wakasan na ang krisis mula noong 2021 coup, na sanhi ng pagkadiskaril sa paglipat sa demokrasya.
Kapwa inaangkin ng magkabilang panig na kontrolado na nila ang mga pangunahing lugar, kabilang ang paliparan at ang presidential palace — na kahit isa ay hindi pa nabeberipika.
Ayon kay Sudanese analyst Kholood Khair, “While Sudan has endured decades of bitter civil wars, coups and rebellions since independence, the level of fighting inside the capital was ‘unprecedented.’
© Agence France-Presse