Halos 20,000 empleyado ng Amazon, tinamaan ng Covid-19
Lampas lamang ng kaunti sa 19,800 na mga empleyado ng Amazon, ang nagpositibo sa Covid-19 mula nang magsimula ang Marso.
Ayon sa Amazon, batay sa datos ng kanilang 1.37 milyong frontline workers, kasama na ang nasa Whole Foods Market grocery stores sa Estados Unidos, mas mababa ang infection rate kaysa inaasahan.
Ang naturang bilang ay inilabas matapos batikusin ng ilang manggagawa sa logistics centers, ang mga hakbang ng kompanya para protektahan sila mula sa pandemya, maging ang pag-aatubili na magbahagi ng impormasyon tungkol sa mga kasamahan nilang nahawaan.
Ayon sa Seattle-based e-commerce giant, dinagdagan nila ang pagsasagawa ng testing sa 50,000 kada araw sa kanilang 650 sites.
Sa isang blog post na nagbabahagi ng Covid-19 infection rates sa kalipunan ng kanilang frontline workers, sinabi ng Amazon na mula nang mag-umpisa ang krisis, sinikap nila na laging ipaalam sa mga empleyado kapag nagkakaroon ng bagong kaso sa kanilang gusali.
Dagdag pa ng kompanya, kung ang infection rate sa mga manggagawa ng Amazon at Whole Foods ay kapareho ng pangkalahatang populasyon ng Estados Unidos, ang bilang ng mga kaso ay dapat umabot na sa 33,000.
Agence France Presse