Halos 4 milyong halaga ng shabu, nasabat sa mga buy-bust operation sa Maynila
Kabuuang 3.9 milyong pisong halaga ng shabu ang nasabat sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Maynila.
Sa isang statement, sinabi ni PNP Chief General Debold Sinas na apat na indibidwal ang naaresto sa mga operasyon.
Sa buy-bust operation noong Lunes sa Pandacan, nasa 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng 340,000 piso ang nakuha mula sa isang Bellia Odin.
Naaresto rin si Abdulmanan Buisan sa follow-up operation sa Malate nitong Martes.
Kay Buisan, nasabat ang 367 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng 2,499,680 pesos.
Naaresto naman sina Sarah Manonog at Marissa Manansala sa isa pang buy-bust operation sa Tondo noong Miyerkules.
Nakuha sa kanila ang nasa 160 gramo ng shabu na nakasilid sa 18 sachet at nagkakahalaga ng 1,088,000 piso.
Sinabi ni Sinas na ang mga ebidensya ay isusumite sa Manila Police District – Crime Laboratory Office.
Ang mga suspek naman ay nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa mga kaukulang kaso.