Halos 4,000 bagong abugado nanumpa na
Nanumpa na nitong Martes, Mayo 2, ang halos 4,000 bagong abugado na pumasa sa 2022 Bar Examinations.
Sa unang pagkakataon, binigkas ng inductee sa seremonyang isinagawa sa Philippine International Convention Center (PICC) ang bagong lawyer’s oath sa inamyendahang Code of Professional Responsibility and Accountability.
Nanumpa ang mga bagong abugado sa harap ni Supreme Court Clerk of Court En Banc Atty. Marife Lomibao-Cuevas.
Sa mensahe ni 2022 Bar Chairperson at SC Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, hinimok niya ang mga bagong abogado na patuloy na linangin ang kanilang kaalaman at kakayanan sa abogasya at ang kanilang critical thinking.
Sinabi ni Justice Caguioa na ang mga abogado ang “modern day gladiators” na nagtatanggol sa kanilang kliyente sa pamamagitan ng kanilang mga salita.
Ayon pa sa Mahistrado, hindi natatapos sa pagpasa sa bar exams ang paglalakbay ng mga abogado kundi ito ay simula pa lang.
Pagkatapos ng panunumpa ay isinagawa na rin ang roll signing o ang paglagda sa roll of attorneys ng mga bagong abogado.
Moira Encina