Halos 5,000 bilanggo nakalaya sa mga piitan ng BuCor sa ilalim ng Marcos Government
Kabuuang 401 bilanggo mula sa iba’t ibang kulungan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang lumaya noong Lunes.
Isinagawa ang programa para sa maramihang pagpapalaya ng preso sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City bilang paggunita sa Buwan ng Kababaihan ngayong Marso.
Sa CIW ay umaabot sa 39 na babaeng persons deprived of liberty (PDLs) ang lumaya.
Nasa 163 PDLs naman ang lumaya mula sa New Bilibid Prisons; 99 sa Davao Prison and Penal Farm; 47 sa Leyte Regional Prison; 29 sa San Ramon Prison and Penal Farm; anim sa Sablayan Prison and Penal Farm; at 18 sa Iwahig Prison and Penal Farm.
Ilan sa mga lumaya ay dahil sa parole na 169, 65 ang napawalang-sala, 10 ang probation at ang nalalabi ay dahil sa Good Conduct Time Allowance.
Ayon sa BuCor, mula noong Hulyo ng nakaraang taon ay kabuuang 4,993 PDLs na ang nakalabas sa iba’t ibang piitan ng kawanihan.
Dinaluhan nina Justice Secretary Crispin Remulla at BuCor Acting Director General Gregorio Catapang Jr. ang seremonya.
Ang buwanang pagpapalaya sa mga preso ay bahagi ng decongestion program at mga reporma sa BuCor.
Moira Encina