Halos P200-M sales leads, naitala sa Philippine Travel Exchange (PHITEX) 2022
Naitala ng Tourism Promotions Board (TPB) ang record-breaking na P176.6 million na business sales leads sa dalawang araw na Philippine Travel Exchange (PHITEX) 2022.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), ang halaga ay batay sa inisyal na submission ng negotiated sales ng Philippine sellers na pisikal na dumalo sa travel trade event mula October 19 hanggang 20.
Nalagpasan nito ang sales bago mag-pandemya sa PHITEX na P94.8 million noong 2018 at P46 million noong 2019.
Gayundin, ang sales leads noong 2020 at 2021 na P43 million at P69 million.
Sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na ang kamangha-manghang turnout ng buyers at sellers at record-breaking sales ay nagpapakita ng positibong outlook sa Pilipinas at sa lumalagong interes sa tourist destinations sa bansa.
Inaasahang tataas pa ang negotiated sales dahil magpapatuloy ang virtual business meetings sa October 26-28.
Aabot sa 116 ang bilang ng buyers sa PHITEX mula sa 32 bansa.
Mula sa nasabing bilang, 53 ang pisikal na dumalo at 63 ang lumahok virtually.
Moira Encina