Hannah Arnold ng Masbate city, kakatawan sa bansa sa Ms. International 2021 pageant
Kinoronahan bilang Miss International Philippines ang 24-anyos na si Hannah Arnold sa Coronation night ng Binibining Pilipinas kagabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Si Arnold ay isang scientist at professional Filipino-Australian model.
Isinilang siya sa Balud, Masbate at nagtapos ng Degree sa Applied Science Forensic Studies sa University of Canberra.
Kasama niyang kinoronahan bilang Bb. Pilipinas Grand International si Samantha Alexandra Panlilio ng Cavite, Bb. Pilipinas Intercontinental na si Cinderella Faye Obeñita ng Cagayan de Oro city, Bb. Pilipinas Globe- Maureen Ann Montagne ng Batangas, habang 1st runner-up naman si Gabrielle Camille Basiano ng Borongan, Eastern Samar at 2nd runner-up si Meiji Cruz ng Valenzuela city.
Nagsilbing host ng pageant sina Miss Universe 2018 Catriona Gray at Miss Grand International 2016 1st runner-up Nicole Cordoves.
Sasabak si Arnold sa international stage ngayong taon at inaasahan siya bilang pang-anim na Filipinang magwawagi ng titulo.
Unang nakakuha ng titulo bilang Miss International si Aurora Pijuan noong 1970, sumunod si Beauty queen turned actress Melanie Marquez noong 1979, Lara Quigaman noong 2005, Bea Rose Santiago noong 2013 at Kylie Verzosa noong 2016.