Harassment ng China sa mga barko ng Pilipinas, iminungkahi sa Senado na iakyat sa UN General Assembly
Isinulong sa Senado na i-akyat na ng Pilipinas sa United Nations General Assembly (UNGA) ang patuloy na harassment ng Chinese Coast Guard (CCG) sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Sa resolusyong inihain sa Senado, ipinanawagan ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) para matigil na ang pangha-harass ng China.
Tinukoy sa resolusyon na malinaw na isinaad sa 2016 arbitral ruling na walang legal na basehan ang pag-aangkin ng China sa yamang dagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Suportado ni Senador JV Ejercito ang resolusyon.
Sinabi ng Senador na panahon na para aksyunan ng bansa dahil kahit sinasabi ng China na kaibigan nito ang Pilipinas ay tuloy naman ang agresibong mga aksyon nito kabilang ang harassment sa mga mangingisdang Pinoy.
“They say we are friends. Yung kaliwang kamay nagbibigay sila ng fertilizer doon sa Valenzuela pero sa kanang kamay naman hina-harass naman ang ating Navy, Coast Guard at fisherfolk.”
“Recently yung supplies natin sa BRP Sierra Madre, they were tailed, ang report gray ships na navy na ng China, this has to stop already. Ilang note verbale na ang pinapadala di naman pinapapakinggan ng China,” pagdidiin pa ni Senador Ejercito.
Pero ayon kay Senador Sonny Angara, dapat maghinay-hinay ang gobyerno dahil maraming interes ang dapat ikunsidera lalo na sa isyung may kinalaman ang ekonomiya.
“Iti-timbang natin sa interes ng bansa dahil marami tayong negosyo with China, maramj tayong OFW sa China. I’m not saying we shouldn’t do it, pero timbangin natin. May role pa rin na diplomasya,” paliwanag ni Angara.
Meanne Corvera