Health Care System sa Region 4a, palalakasin pa ng DOH Calabarzon
Patuloy na pinalalakas ngayon ng DOH Reg. 4a ang mga programa at proyekto ng ahensya para matugunan pa ang pangangailangang medikal ng ating mga kababayan sa buong region 4a o Calabarzon lalo na ngayong may pandemiya sa bansa dala ng Covid 19.
Sa isang webinar interview kay DOH Region 4a Director Dr. Edurado Janairo, ibinahagi nito ang mga programang tumutugon sa mga hamon ngayon sa bansa dahil sa pandemiyang dulot ng Covid 19.
Kabilang dito ang pamamahagi ng mga land ambulances para sa mga rural health units at pampublikong ospital gayundin ng mga sea ambulances para sa mga island municipalities lalo na sa Quezon Province.
Kasama din dito ang pagpa-plano at pagdidisensyo ng DOH ng mga patient transport vehicles na ipamamahagi naman sa mga baranggay sa Calabarzon.
Dagdag nito na kasalukuyang nagdidisenyo ang DOH ng patient transport vehicles na ipapamahagi naman sa mga barangay.
ibinahagi rin ni Dir. Janairo na mayroon nang 14 licensed molecular laboratories sa rehiyon na kayang magsagawa ng mahigit 6,000 COVID-19 tests sa isang araw.
Mayroon din aniyang 11 laboratoryo sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ang kasalukuyang sumasailalim pa sa kaukulang akreditasyon.
Umabot na rin sa 378 ang bilang ng mga temporary treatment at monitoring facilities na nagagamit ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Mayroon din aniyang tatlong mega quarantine facilities ang naipatayo sa rehiyon na magagamit naman upang mahiwalay o ma-isolate ang mga pasyenteng magpopositibo sa Covid 19.
Samantala’y patuloy din ang DOH Reg. 4A sa pagsasaayos ng mga pasilidad at paglalagay ng mga kaukulang kagamitan sa mga pampublikong ospital upang mapataas ang antas at kalidad ng pagbibigay ng serbisyong medikal sa publiko.
Jet Hilario