Health service workers sa England, mawawalan ng trabaho kapag hindi nagpabakuna
Inihayag ni Health Minister Sajid Javid, na maaaring mawalan ng trabaho ang frontline workers sa National Health Service (NHS) ng England, kapag hindi sila nagpabakuna.
Una nang inanunsiyo ng gobyerno na lahat ng care home workers ay kailangang fully vaccinated na pagdating ng November 11, ngunit hinihintay pa ang kinalabasan ng ginawang konsultasyon bago ito i-extend sa lahat ng NHS frontline staff.
Ayon kay Javid, sa kalipunan ng 34,000 responses ay malinaw na mas marami ang pabor na dapat magpabakuna ang NHS frontline staff.
Sinabi ni Javid na nasa 90% ng NHS staff ang nakatanggap na ng at least two doses ng COVID-19 vaccine, bagama’t ang bilang ay mas malapit sa 80% sa ibang lugar.
Nangangahulugan na hanggang 100,000 NHS workers sa England ang hindi pa bakunado, na lubhang nagdudulot ng pangamba kung paano makaaagapay ang health service kung mawawalan ng trabaho ang hindi magpapabakuna.
Ang NHS, na ang pondo ay mula sa general taxation at National Insurance contribution, ay ang pinakamalaking employer ng Europe at isa sa pinakamalaki sa buong mundo kung saan mayroon itong 1.3 million staff. (AFP)