Health workers group: Bagong administrasyon, kailangan sa 2022 para makabangon sa matinding epekto ng pandemya
Bagong administrasyon na raw ang kailangan ng bansa upang tuluyang makabangon sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Medical Action Group Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana, kung tutuusin wala na dapat karapatan ang mag-ama na sina Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte na kumandidato sa May 2022 Presidential elections.
Ayon kay Fajutagana, nasa halos dalawang taon na ang pandemya pero sa halip na umigi ay nasa ikatlong surge pa ng virus infection ang bansa.
Giit ni Fajutagana, wala na sa tamang pag-iisip ang isang botante kung nais nitong bumalik sa ganitong klaseng pulitiko na isinugal ang buhay ng mga frontliners pero wala man lang maayos na benepisyo at underpaid pa.
Aminado ang grupo na isa sa naging malaking factor kung bakit pumalpak ang COVID response ng Duterte administration ay ginamit ang sitwasyon ng COVID sa pamumulitika.
Inihalimbawa pa ng grupo ang mga malalaking kontrata sa Department of Health na pinondohan ng bilyong piso pero hindi naman nakarating sa taong bayan.
Naniniwala ang grupo na hindi rin si Mayor Sara ang magbibigay ng pagbabago sakaling maluklok ito sa puwesto dahil tiyak naman na maiimpluwensyahan din ito ng ama nito.
Madelyn Moratillo