“Healthy Food Fair,” inilunsad sa Taguig City
Bilang pagdiriwang sa ika-48 nutrition month na may temang “New Normal na Nutrisyon, Sama-samang Gawan ng Aksyon,” ay pinasinayaan ang healthy food fair bilang suporta ng lungsod ng Taguig sa mga maliliit na negosyanteng nagbebenta ng masusustansiyang pagkain gaya ng mga sariwang gulay, prutas at malunggay pandesal.
Ibinahagi rin ng City Nutrition Office ang isinasakatuparan nilang mga programa sa gitna ng pandemya, gaya ng bahay-bahay na pamamahagi ng pagkain, medisina, at tulong pinansiyal.
Bukod dito, ilan pa sa mga naging programa ay ang pagtatayo ng community markets sa iba’t-ibang mga barangay, pagsasagawa ng mga lektura at seminar online tungkol sa kung paano maging malusog, at paghikayat sa mga residente na magtanim para sa kanilang food security.
Ipinagmalaki rin ng Nutrition Office ang natanggap nilang Nutrition Honor Award, ang pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng National Nutrition Council sa mga local government unit o LGUs.
Ayon kay Taguig City Nutrition Office head Julie Bernabe, layon nito na ipagpatuloy ang programang susugpo sa malnutrisyon at kagutuman.
Prayoridad din ng Taguig ang nutrisyon ng mga babaeng buntis at nagpapasusong mga ina, at mga daycare children.
Samantala, ipinaalala ni Mayor Lani Cayetano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng positibong kaisipan dahil ito rin ay bahagi ng pagiging malusog ng isang tao.
Ulat ni Virnalyn Amado