Henry Teves dapat ding kasuhan ng murder sa Degamo killing – Mayor Degamo
Hindi lang umano si suspended Congressman Arnolfo Teves Jr. ang dapat makasuhan ng multiple murder sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Bagama’t masaya si Pamplona Mayor Janice Degamo sa pormal na pagsasampa ng patung-patong na kasong pagpatay kay Cong. Teves sa Department of Justice (DOJ) sinabi nitong hinihintay din nilang makasama sa kakasuhan ang kapatid nitong si dating Governor at Mayor Henry Pryde Teves.
Sa panayam ng programang Responde sa Radyo Agila, sinabi ni Mayor Degamo na kumbinsido siyang sangkot din ito sa pagpa-plano sa pagpaslang sa kaniyang asawa ang kapatid ng kongresista.
“At least may isang Teves na nakasuhan, hinihintay ko po na makasuhan din yung kaniyang brother na si former Gov. former Mayor Henry Teves,” tugon ni Mayor Degamo sa panayam ni Alex Santos.
“Before the death of my husband, sometime in September and October, I have heard my husband talking to someone in the intel community informing him na hinog na siya and ang nagpa-plano at gumagawa ng plano ay itong magkapatid na Teves. Kaya sabi ko while we are happy that Arnie, you know we have finally filed charges against Arnie, I am also still waiting for them to file a case against Henry,” pagdidiin pa ng maybahay ng napaslang na gobernador.
Hindi naman naniniwala si Mayor Degamo na uuwi pa sa Pilipinas si Cong. Teves.
Bago pa man aniya nangyari ang pagpaslang sa kaniyang asawa ay umalis na ito ng bansa, at kahit pa nadiskubre na siya ang nag-utak sa pagpatay ay tumatanggi pa rin itong umuwi sa Pilipinas.
“When I heard the news na uuwi sya, akala ko talagang uuwi siya, pero in my heart nakikita ko rin na parang malabo, yung assessment ko sa kaniya as someone who masterminding the crime, before the commission of the crime he left the country already until nang mabisto siya hanggang ngayon hindi pa rin sya bumabalik, even if the DOJ gave a statement already that he’s coming home, in my heart I believed he really wouldn’t come home,” pahayag pa ni Mayor Degamo.
Gayunman natutuwa siya na nakasuhan na si Teves at umaasa na gagawin ng gobyerno ang lahat na mai-uwi ito para mapanagutan ang kaso.
“Time and again the national government, different agencies assured me they know where he is, kung alam nila kung nasaan siya, eh the nat’l. gov’t. will find ways to bring him home the moment the arrest warrant will be out,” pahayag pa ni Mayor Degamo.
“In my heart I really would like that the moment that Arnie will be in this country, he will no longer be a free man, dapat nakasampa na talaga ang kaso,” pagdidiin pang ginang.
Hindi naman nangangamba ang maybahay ng pinaslang na gobernador sa mga ulat na posibleng bumaliktad ang mga suspect na tumatayong testigo sa kaso matapos tumanggi nang makipagtulungan ang mga ito.
Sinabi ni Mayor Degamo na may iba pa silang ebidensya para maidiin sa kaso ng pagpatay sa kaniyang asawa ang magkapatid na Teves.
Weng dela Fuente