Hezbollah sa Lebanon nanawagan ng ‘day of rage’ kaugnay ng Gaza hospital strike
Nanawagan ng isang ‘day of rage’ ang Iran-backed Hezbollah movement sa Lebanon bilang pagkondena sa strike sa isang ospital sa Gaza Strip, habang daan-daang mga demonstrador naman ang nagtipon sa French at US embassy upang magprotesta.
Isinisisi sa Israel ng Hezbollah, ka-alyado ng Palestinian Islamist group na Hamas, ang nangyaring pag-atake sa nasabing ospital at tinawag iyon na isang “masaker” at isang “brutal na krimen,” habang isinisi naman ito ng Israel army sa “misfired rocket” ng Islamic Jihad, na isa pang Gaza-based militant group.
Ayon sa health ministry sa Gaza na pinamumunuan ng Hamas, hindi bababa sa 200 katao ang nasawi sa Israeli strike sa ospital kung saan nagkakanlong ang mga na-displace ng labanan.
Sa isang pahayag ay sinabi ng Hezbollah, “Let Wednesday, be a day of rage against the enemy, we are calling on fellow Muslims and Arabs to ‘move immediately to streets and squares’ to express intense anger.”
Kasunod ng panawagan ng Hezbollah, daan-daang protester ang nambato sa Lebanese security forces sa labas ng US embassy sa Awkar, at sinunog ang gusali.
Nagpakawala ang pulisya ng ilang rounds ng tear gas upang buwagin ang mga nagpoprotesta, habang inasikaso naman ng medics ang mga nakaranas ng suffocation.
Isinisigaw ng mga protester na ang karamihan ay nakatakip ang mga mukha gamit ang Palestinian keffiyeh scarves, ang “Death to America” at “death to Israel.”
Daan-daan din ang nagtipon sa French embassy sa Beirut, kung saan nagtaas sila ng Hezbollah flags at nambato rin sa main entrance ng embahada.
Sumiklab ang galit sa Palestinian refugee camps sa southern cities ng Sidon at Tyre, habang nanawagan ang Palestinian factions sa Lebanon ng pagsasagawa ng malawakang rally upang kondenahin ang pag-atake sa ospital.
Idineklara naman ng caretaker Prime Minister na si Najib Mikati ang Miyerkoles bilang isang national day of mourning.
Samantala, sinabi ng Israeli army na ang tumama sa isang ospital sa Gaza ay isang misfired rocket ng Islamic Jihad Palestinian militants.
Sa kanilang pahayag ay nakasaad, “The hospital was hit as a result of a failed rocket launched by the Islamic Jihad terrorist organization.”
Ayon sa Israeli army, “Intelligence from multiple sources we have… indicates that Islamic Jihad is responsible for the failed rocket launch which hit the hospital in Gaza.”
Sa isang press briefing ay sinabi ng tagapagsalita na si Daniel Hagari, na nang mangyari ang strike, ang Israeli army ay walang isinasagawang air operations malapit sa nabanggit na ospital at ang rockets na tumama sa gusali ay hindi “match” sa kanilang ginagamit.