Hidden charges sa paggamit ng ATM nais nang ipagbawal
Nais ni Senador Francis Pangilinan na ipagbawal na ang pagpapataw ng hidden at mga surprise charges sa paggamit ng Automated teller machines o ATM.
Sa kaniyang Senate Bill number 635, pinalilimitahan na rin ng Senador ang pagpapataw ng mga transaction fees.
Sa panukalang batas, oobligahin ang mga bangko o financial institutions na ilabas sa screen ng ATM ang kabuuan ng transaction fee o surcharge bago makumpleto ang transaksyon, withdrawal man , balance inquiry o inter-bank transfers.
Aatasan rin ang mga bangko na sulatan ang kanilang account holders para maabisuhan ukol sa lahat ng transaction fee na maaring ipataw at maaring madagdag kapag gumamit sila ng ATM sa ibang bangko o sa ibang lugar.
Nasa panukalang batas din na hindi pagbabayarin ang customer para sa atm transaction na ginawa sa telepono o mobile phone at dapat walang bayad ang anumang transaksyon na walang inilabas na cash.
Sa impormasyon ng tanggapan ni Pangilinan, may mga bangko ngayon na ibat iba pa ang ipinapataw para sa withdrawal, balance inquiry at interbank transfers na lagpas pa sa one percent.
Katunayan, sinisingil aniya ang mga atm cardholders ng hanggang 100 piso nang hindi niya nalalaman.
Ulat ni Meanne Corvera