Hidilyn Diaz, makatatanggap ng 10 milyong piso mula sa gobyerno ng Pilipinas
Makakatanggap ng 10 milyong pisong premyo ang Pinay Weightlifter na si Hidilyn Diaz matapos niyang masungkit ang gintong medalya sa idinadaos na Tokyo Olympics.
Ayon kay Senador Sonny Angara, batay ito sa itinatakda ng Republic Act 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.
Sinabi ni Angara na pangunahing may akda ng batas na bukod sa 10 milyong piso, makatatanggap ito ng Olympic Gold Medal of Valor mula sa Philippine Sports Commission habang 5 milyong piso ang ibibigay sa kaniyang mga coach.
Nakikiisa si Angara sa mga nagpaabot ng papuri at pasasalamat kay Diaz na itinayo ang bandera ng Pilipinas sa buong mundo.
Mauukit aniya sa kasaysayan ang ginawa nito dahil sa pagkakasungkit ng gintong medalya na kauna-unahan sa Pilipinas sa nakalipas na 96 taon.
Statement Senador Angara:
“Mabuhay siya! Nilampasan pa niya ang achievement niyang silver sa Rio. Nakaukit ang pangalan niya sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa kauna unahang gold medal ng bansa. Congrats sa kanya, sa coaches niya, mga taga Zamboanga, at sa buong bansa na binigyan niya ng rason mag celebrate at matuwa at magkaisa!”.
Meanne Corvera