Higit 100, patay, 90 sugatan sa pagsabog ng fuel tanker sa Sierra Leone
Iniulat ng National Disaster Management Agency (NDMA) ng Sierra Leone, Africa na umabot na sa 108 ang namatay at halos 92 na ang sugatan kasunod ng pagsabog ng isang fuel tanker, Biyernes ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng NDMA na isang truck na may kargang granite stones ang bumangga sa fuel tanker sa highway habang papasok ito ng isang filler station upang mag-discharge.
Pero ayon sa ilang nakasaksi, ang aksidente ay sinamantala ng ibang residente, nagawa pang magtungo sa accident site at kumuha ng ilang scoop ng fuel.
Dahil dito hindi na nila naiwasan ang pagsabog ng tangke kahit pa itinataboy na sila ng mga driver ng nagkabanggaang trak.
Nagtamo ng sunog sa ilang bahagi ng katawan ang mga nasugatan na naitakbo sa ilang kalapit na pagamutan.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Sierra Leonean President Julius Maada Bio sa pamilya ng ng mga namatayan at tiniyak ang financial support para sa mga naapektuhan.