Hindi bababa sa 116 patay sa lindol sa China
Hindi bababa sa 116 katao ang nasawi matapos gumuho ang mga gusali bunga ng paglindol sa hilagang-silangang China.
Nasa 105 katao ang namatay at halos 400 iba pa ang nasaktan sa Gansu province, habang 11 iba pa ang nasawi rin at 100 ang nasaktan sa lungsod ng Haidong sa katabing lalawigan ng Qinghai.
Sinabi ng state news agency na Xinhua, na ang lindol ay nagdulot ng malaking pinsala, kabilang na ang gumuhong mga bahay.
Nanawagan naman si Chinese President Xi Jinping para sa “all-out efforts” sa search and relief works na maagang sinimulan ngayong Martes, gayundin ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga survivor at kanilang mga ari-arian.
Ang lindol na sa tala ng US Geological Survey (USGS) ay may magnitude na 5.9, ay tumama sa Gansu malapit sa border nito sa Qinghai, na kinaroroonan ng Haidong.
Ang sentro nito ay nasa 100 kilometro (60 milya) timog-kanluran ng kabisera ng lalawigan ng Gansu, ang Lanzhou. Ilang maliliit na aftershocks ang sumunod sa naunang pagyanig at nagbabala ang mga opisyal na maaaring sa susunod na ilang araw ay makaranas ng lampas sa magnitude-5.0 na aftershocks.
Isang lindol pa na may sukat na magnitude 5.2 ayon sa USGS, ang na-detect sa hilagang-kanluran sa Xinjiang province.
Sa ulat ng Xinhua, ang lindol na naramdaman sa Xi’an sa northern Shaanxi province, may 570 kilometro (350 milya) ang layo ay may magnitude na 6.2.
Naantala ang suplay ng kuryente at tubig sa ilang local villages dahil sa lindol.
Sa ilang video na naipost sa social media ay makikita ang nagbagsakang mga kisame at iba pang debris.
Ang lindol ay tumama sa lalim na sampung kilometro (anim na milya) bandang alas-11:59 ng gabi (local time) nitong Lunes ayon sa USGS.
Naglunsad naman ang mga opisyal ng isang emergency response at nagdisptach ng rescue personnel sa lugar pagkatapos na pagkatapos ng paglindol.
Hindi na bago ang mga paglindol sa China. Noong Agosto, isang mababaw na 5.4-magnitude na lindol ang tumama sa eastern China, sanhi upang 23 katao ang masaktan at dose-dosenang mga gusali ang bumagsak.
Noong Setyembre 2022, isang 6.6-magnitude na lindol ang tumama sa Sichuan province na ikinasawi ng halos 100 katao.
Isang 7.9-magnitude na lindol naman noong 2008 ang nag-iwan ng mahigit sa 87,000 kataong patay o nawawala, kabilang ang 5,335 school pupils.