Higit 100 patay sa Mexico dahil sa matinding init
Higit sa 100 katao ang namatay dahil sa labis na init sa Mexico noong Hunyo, kasunod ng isang serye ng heatwaves sa naturang Latin American nation.
Sinabi ng mga siyentipiko na lalo pang pinalalala ng global warming ang masamang panahon, kung saan maraming mga bansa ang nakararanas ng “record” high temperatures.
Ayon sa bilang na ipinalabas ng health ministry, higit sa 1,000 heat-related emergencies ang naiulat sa Mexico sa pagitan ng June 12 at 25, na ang 104 ay nagresulta sa kamatayan.
Una na ring naiulat ng mga awtoridad ang walong namatay sa pagitan ng April 14 at May 31, kaya’t amng kabuuang bilang ay 112 na.
Sinabi ng health ministry, na ang pangunahing sanhi ng mga pagkamatay ay heat stroke, na sinundan ng dehydration.
Ang northern regions ng Mexico ang nag-ulat ng pinakamaraming bilang ng namatay, na ang 64 rito ay naitala sa northeastern state ng Nuevo Leon at 19 sa katabi nitong Tamaulipas, na nasa hangganan ng estado ng US na Texas, na tinamaan din ng matinding init.
Sa Mexico, ang maximum temperature na 49 degrees Celsius (120 Fahrenheit) ay naitala sa linggong ito sa northwestern state ng Sonora, ayon sa health ministry.
Dagdag pa nito, ang average maximum temperatures sa Mexico sa panahon ng tag-init o summer ay naglalaro sa pagitan ng 30 at 45 degrees Celsius.
Nagbabala ang mga awtoridad na isa pang heatwave ang maaaring maka-apekto sa bansa na mayroong 127 milyong katao simula sa Hulyo a-uno.
Noong Mayo, nagbabala ang United Nations na halos tiyak nang ang 2023-2027 ang magiging pinakamainit na limang taong maitatala, habang ang magkasamang greenhouse gas at El Nino ay magpapataas pa sa temperatura.