Higit 150 libong doses ng COVID-19 vaccines, natanggap na ng Eastern Visayas
Nakatanggap ng kabuuang 151,900 na doses ng COVID-19 vaccines ang Eastern Visayas.
Ayon sa Department of Health-Eastern Visayas Center for Health Development, umaabot sa 97,040 doses ng Sinovac, 10,400 doses ng AstraZeneca, at 44,460 doses ng Pfizer vaccines ang nai-deliver sa rehiyon, na kaagad na inihatid sa bawat local government unit (LGU), para sa first at second doses ng mga priority group.
Ayon sa DOH-Eastern Visayas, ang Sinovac ay inilaan sa Northern Samar at Western Samar na may tig-25,000 doses bawat isa, at 15,000 para sa Southern Leyte.
Ang LGU-procured AstraZeneca vaccines at pre-allocated Pfizer vaccines ay inihatid nang direkta sa Ormoc City, na binubuo ng 9,700 doses ng AstraZeneca at 3,510 doses ng Pfizer.
Pitongdaang doses ng AstraZeneca at 11,700 doses ng Pfizer naman ang inihatid sa lalawigan ng Leyte.
Samantala, ayon sa nasabing ahensiya ang natitirang 32,040 doses ng Sinovac at 29,250 doses ng Pfizer vaccines ay direktang inihatid sa Cold Chain Facility ng Department of Health Eastern Visayas Center for Health Development, para sa karagdagang paglalaan at pamamahagi.
Rose Marie Metran