Higit 1,500 NAIA employees, nabakunahan na kontra Covid-19
Aabot sa mahigit 1,500 mga empleyado ng Ninoy Aquino International Airport ang naturukan na ng bakuna kontra Covid-19.
Sinovac ang itinurok na bakuna sa mga empleyado na pawang nakatalaga sa one-stop-shop na direktang umaasiste sa mga umuuwing Overseas Filipino Workers.
Ayon kay Bureau of Quarantine Director Roberto Salvador, prone ang kanilang mga empleyado sa virus lalu’t sila ang nasa border control o nakakasalamuha ng mga manggagawang Pinoy mula sa ibang bansa.
Gayunman, tinitiyak aniya nilang masusing isinasailalim sa orientation infection control procedure at tamang pagsusuot ng mga Personal Protective Equipment (PPE) ang mga empleyado bago isabak sa trabaho.
Ito’y para makaiwas na mahawa sa virus, katunayang mababa ang mga manggagawang nagpopositibo sa virus.
Kasama sa mga nabakunahan ang mga empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA), Philippine Coastguard (PCG), Bureau of Immigration at Department of Foreign Affairs (DFA).
Meanne Corvera