Higit 300 Filipino domestic workers nananatili sa Syria sa kabila ng umiiral na Labor ban
Aabot sa 300 mga Pinoy domestic workers ang nananatili pa rin sa Syria sa kabila ng ipinatutupad na Labor ban ng Pilipinas, sampung taon na ang nakalilipas.
Inamin ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola na may mga Pinoy na nakalulusot sa kabila ng ban.
Ang Labor ban ay ipinatupad dahil sa umiiral na Alert Level 4 dulot ng karahasan sa Syria.
Bagamat ito aniya ay kaso ng Human Trafficking, naniniwala ang Syrian government na isa pa rin itong lehitimong deployment dahil ang mga Pinay ay may mga valid deployment documents gaya ng kontrata at Iqama o Residence permit.
Batay aniya sa salaysay ng mga biktima, umaalis sila ng bansa bilang mga turista kung saan dumadaan muna sa Southeast Asian countries gaya ng Malaysia bago dalhin sa Syria.
Sinabi ni Arriola na ang 300 mga Pinoy household workers ay nananatili pa rin sa bahay ng kanilang mga sponsor o mga employer.
Pero hindi lahat sila ay gustong magpa-repatriate o umuwi ng Pilipinas.
May ilan aniyang nais nang umuwi pero nagdedemand ang kanilang mga amo na magbayad muna kapalit ng ginastos nila sa mga ito.
Sa ngayon may 34 nang mga Filipino domestic workers ang nasa Embahada at ipinoproseso na ang pag-uwi sa bansa.
Meanne Corvera