Higit 300 paglabag sa MECQ protocol sa Zamboanga city, naitala
Kabuuang 301 violations ang naitala ng Zamboanga City Police office (ZCPO) sa ikalawang araw ng implementasyon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa lunsod.
Sabado, May 8 nang simulang ipatupad ang nasabing Quarantine status sa lunsod bunsod ng pagdami ng kaso ng Covid-19.
Kabilang sa mga naging violation ay ang pagsuway sa curfew hours, walang Valid ID o Qauarantine Pass, hindi pagsusuot ng face shield at face mask at hindi pagsunod sa Physical distancing.
Ang bilang ng mga paglabag ay mula sa ulat ng iba’t-ibang istasyon ng pulis at operating units sa ilalim ng ZCPO.
As of May 9, iniulat ng City Health office na pumalo na sa 2,093 ang aktibong kaso sa lunsod at dalawang bagong namatay.
Dahil dito, umakyat na sa kabuuang 7,562 ang Covid-19 cases sa Zamboanga city.
Community transmission ang itinuturong dahilan ng paglobo ng kaso ng virus infection sa lunsod.